Wednesday, May 2, 2012

RH Bill: Pagsugal sa Kinabukasan ng mga Kabataan


by Ministry for Youth Affairs
270455_1953737356374_1030860962_1685598_4483039_n
“Kinikilala ng Estado ang napakahalagang tungkulin ng kabataan sa pagbuo ng bansa at dapat magtaguyod at mangalaga ng kanilang kagalingang pisikal, moral, espiritwal, intelektwal, at sosyal. Dapat nitong ikintal sa kabataan ang pagkamakabayan, nasyonalismo at pasiglahin ang paglahok nila sa mga gawaing bayan at sibiko.”
– Saligang Batas ng Pilipinas, Art. II Sec. 13
“Hindi ka dapat hamakin dala ng iyong kabataan. Sa halip, maging huwaran ka ng mga kapatid sa iyong salita, gawa, pag-ibig, pananampalataya, at kadalisayan.”
– 1 Timoteo 4:12

Lubhang isinasantabi ng HB4244 ang kapakanan naming mga kabataan bilang mga tagapag-mana ng kinabukasan ng bayan. Mulat nga ang RH Bill sa parusa ng kahirapan sa isang malaking pamilya, bulag naman ito sa katotohanan na ang pagsupil sa populasyon at ang pagpapalaganap ng kontraseptibo ay hindi ang pinakamainam na solusyon at tiyak lamang na lalong ikasasama ng lipunan. Isang kahibangan ang lapastanganin ang limitadong pondo ng bayan sa isang panukalang-batas na salat sa pag-unawa sa mga idudulot na kapahamakan sa lipunang aming mamanahin at hahantungan. Baluktot na prinsipyo ang lunasan ang isang isyu gayong hindi ito ang puno’t dulo ng kahirapan, lalo pa’t pinatotohanan ng agham na magdudulot nga ng masama ang solusyong ipinapanukala.
Hangga’t walang kasiguraduhang maibibigay ang mga nagsusulong ng RH Bill na hindi mailulugmok ng panukalang-batas na ito ang lipunan sa pagkalupig sa mas malulubhang mga suliranin, hangga’t walang garantiya na hindi lalagpak sa palad ng kabataan ang responsibilidad na lunasan, ituwid, at ligpitin ang delubyong-panlipunan na idudulot ng RH Bill sa aming kinabukasan, mananatili ang aming paniniwala na ang RH Bill ay anti-youth.
Hango sa lakas ng sama-samang pagkilos ng kabataan, at sa pagpapatibay ng aming pananampalataya sa Diyos na siyang nagbiyaya sa amin ng kakayahang magsiyasat, mag-isip, at magsuri, amin ngayong ipinahahayag ang aming masidhing pagtutol sa RH Bill. Ikinakasama ng aming loob ang pagsusulong ng isang panukalang-batas na lubhang isinasantabi ang kapakanan at kinabukasan ng kabataan. Amin ngayong patototohanan ang aming paniniwalang ang RH Bill ay anti-youth.
HINDI SOLUSYON ANG PAGTAPYAS SA POPULASYON. ITO’Y ISANG PAGSUGAL.
Isang kahibangan ang pagpapalagay na ang populasyon ay kailangang supilin upang umunlad. Ang Nobel Prize winner na si Simon Kuznets ang mismong nagsabi sa kanyang pag-aaral na walang matimbang na ebidensya ang nag-uugnay ng lumulobong populasyon sa paghihirap ng isang bansa. Sa halip, aniya, ang mabilis na paglago ng populasyon, kapag pinamahalaan nang maayos, ang siyang mas makapag-papaunlad sa ekonomiya.
Bagama’t dumadami nga ang bilang nating mga Pilipino, pinatutunayan ng istatistika na bumabagal ang pagdami ng ating bilang. Bumababa kasi ang Population Growth Rate pati na rin ang Total Fertility Rate ng ating populasyon. Ang pagpasa ng RH Bill ay isang panghihimasok sa natural na mga pangyayaring ito sapagkat papalawigin nito ang paggamit ng kontraseptibo upang supilin ang pagdami ng mga ipinapanganak. Samakatuwid, direktang tatabasan ng RH Bill ang bilang ng bawat henerasyong isisilang kasunod ng isang nauna. Malinaw na isang katakot-takot na epekto ng RH Bill ang madaliang pagtapyas sa populasyon. Ito’y isang tukoy nang dahilan ng lubhang pagbaba ng replacement rate ng isang populasyon gaya nang dinaranas na ngayon ng Japan, Singapore, at marami pang bansa sa Europa. Bagama’t mayayamang bansa sila, tumatanda na ang kanilang populasyon at hindi na sumasapat ang mga ipinapanganak na sanggol upang mapanatiling matatag ang kanilang ekonomiya. Ang pagpasa ng RH Bill ay pagtulak ng bansa tungo sa kaparehong suliranin. Inyo bang i-aasa sa kabataan ang pag-aayos ng problemang ang RH Bill ang may pakana?
Ang aming mungkahi: Ang ating kinatatakutang “overpopulation” ay, sa katunayan, isang kaso ng overconcentration. Ang dumadaming bilang ng tao sa mga kalunsuran ay ‘di maipagkakailang dulot din ng kahirapan sa kanayunan. Ang kawalan ng hanap-buhay, ang kakulangan ng oportunidad sa probinsya, ang siyang nagtutulak sa mga taong makipagsapalaran at makipagsiksikan sa siyudad. Malinaw na isang tiyak na solusyon ay ang pagpapaunlad ng buhay sa probinsya – pagsasaayos ng edukasyon at pagtataguyod ng kumikitang kabuhayan. Ito’y higit na kailangan ng madlang naghihirap kaysa mga panukalang nagbabadyang magdulot ng hindi maganda. Ito ay mungkahing mismong ang Saligang Batas and nagsaad: “Dapat itaguyod ng Estado ang komprehensibong pagpapaunlad na pangnayon… (Art II. Sec. 21)”
HINDI SOLUSYON ANG MANDATORY SEX EDUCATION. ITO’Y ISANG PAGSUGAL.
Bagama’t sinasang-ayunan namin na kinakailangan nga ng kabataan ang wastong kaalaman sa sexuality education, ikinakabahala namin ang sistemang ipinapanukala ng RH Bill. Ang pagpapairal ng mandatory sex education sa lahat ng paaralan ay tila pag-giit na ang kultura ng Pilipinas ay maitutulad lamang sa kultura ng ibang bansa na hindi kasing-makamapilya, makabuhay, at maka-Diyos. Ipinipilit ng RH Bill sa kabataan ang isang banyagang konsepto na lantad ang kakayahang maghubog ng murang isipan tungo sa immoralidad at kahalayan. Ang ipinapanukalang anim na taon ng pagtuturo ng sexuality education “integrated in ALL relevant subjects” ay tila maapura at ‘di maingat na paraan ng pagtuturo ng isang napaka-sensitibong paksa. Mula sa sistema ng pampublikong edukasyon na kasalukuyang matindi ang pangangailangang mapabuti ang pagtuturo ng basic subjects tulad ng Math, English, Science, at Filipino, atin bang maaasahan ang naaangkop na pagtuturo ng sex education?
Higit naming ikinakabahala ang pagsasantabi ng dakilang tungkulin ng mga magulang bilang mga pangunahing tagapag-hubog naming mga anak. Sa bisa ng isang mandatory na sex education program, ano pa’t sa paaralan at sa barkada mahuhubog ang isip ng bata. Ito’y salat sa pamamatnubay ng nakatatanda, patunay lamang na ang ipinapanukalang batas ay taliwas sa mithiin ng Estadong ipagdiinan at ipaglaban ang pangunahing tungkulin ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak.
Ang perang gugugulin sa pagsasaayos ng curriculum na ito ay siya na rin sana ang halagang ginastos sa pagpapabuti ng pagtuturo ng higit na mahalagang mga subjects sa paaralan. Kahusayan sa ingles, agham, at matematika ang magpapapasok sa amin sa trabahong marangal. Aming ikinakalungkot na napagbubuntungan ng sisi ang kamangmangan ng kabataan sa sex gayong mas malubhang problema ang aming kamangmangan sa pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang.
Ang aming mungkahi: Bilang paggalang sa katotohanang kailangan rin ng kabataan ang kaalaman sa sekswalidad, at bilang paggalang rin sa karapatan at responsibilidad ng mga magulang bilang mga unang guro, mas ikabubuti ng bayan ang pagtutuon ng sex education program sa mga magulang. Ikatitiyak ng lahat ang tamang pagka-tuto ng bata ng sekswalidad sapagkat naturuan na rin ang mga magulang kung paano turuan ang kanilang mga anak. Paggalang rin ito sa karapatan ng magulang na magturo ayon sa ano at paano niya naisin. Dito ay higit nating mapapangalagaan ang mga katangian ng ating maka-pamilya at maka-buhay na kultura. Sasang-ayunan lamang nito ang mandato ng Saligang Batas nang kanyang isaad: “Kinikilala ng Estado ang kabanalan ng buhay pampamilya at dapat pangalagaan at patatagin ang pamilya bilang isang saligang institusyon ng lipunan…(Art. II. Sec. 12)”
HINDI SOLUSYON ANG ARTIFICIAL CONTRACEPTION. ITO’Y ISANG PAGSUGAL.
Ang pagpapalaganap ng paggamit ng artipisyal na kontraseptibo ay ang huwad na pangako ng RH Bill ng safe sex at reproductive health. Paglustay ng pondo ng bayan ang pagbili ng mga bagay ng napag-alaman nang nakasasama sa kalusugan. Ang pagtutulak ng malawakang paggamit ng artipisyal na kontraseptibo ay ang nakapagtatakang hindi maamin-amin ng mga nagsusulong ng RH Bill. Tunay nga na ang pagsulong ng RH Bill ay ang pagsulong ng isang bagay na nagbabadyang magdulot ng masama. Ang pagtanggi sa katotohanang ito ay ang sadyang paglimot sa tunay na kapakanan ng kabataan.
Ang pagsulong ng malawakang paggamit ng condoms ay napatunayan nang nakapagtataas ng incidence ng mga sexually transmitted infections gaya ng HIV-AIDS. Kilalang halimbawa ang Thailand sa pagsulong ng malawakang contraceptive program ngunit nananatili silang nasa itaas ng talaan ng mga bansang may pinakamaraming biktima ng HIV-AIDS. Ang paggastos ng milyones para sa ipapamudmod na condoms ay mas ikabubuti pa ng mga kikitang kumpanya kaysa ng buong bansa. Maging ang mga Oral Contraceptive Pills na bahagi ng contraception program na iminumungkahing pondohan rin ng pamahalaan ay napatunayan nang nakakapagpataas ng cancer risk. Marapat lamang tuligsain ang paggamit ng limitadong pondo ng bayan para sa mga bagay na napatotohanang inilalapit ang ating mga kababayan sa kapahamakan. Kung ang mga ito’y mas lalong maipapalaganap sa isang mandatory sex education program, tiyak na ang kabataan nanaman ang magiging pinaka-biktima ng dagok ng kontraseptibo sa kalusugan.
Ang aming mungkahi: Ituon lalo ng pamahalaan ang pagpopondo sa kung ano ang tunay na kailangan ng bayan: edukasyon at trabaho. Tanto nating limitado lamang ang pera ng bayan. Ba’t pa nga ba ito sasayangin sa kung anong hindi kailangan lalo pa’t ang mga ito’y magdudulot pa ng kapahamakan? Mahirap ipagpalagay na ang RH Bill ay tunay ngang isang lunas ‘pagkat mayroon pang ibang mga sakit ang ikinamamatay ng mas nakararaming Pilipino. Ang kalapastanganang ito ay pagnakaw lamang mula sa ponding dapat sana’y ipinalalago ng kinabukasan ng kabataan.
Sa bandang huli, nais lamang naming ipaalala sa pamahalaan na ang pinaka-responsibilidad ng Estado ay ang magtatag ng kaayusan sa pagtataguyod nito ng anumang tunay na ikabubuti ng bawat mamamayan. Ayon sa Saligang Batas, “Dapat sundin ng Estado … ang pangangalaga ng buhay, kalayaan at ariarian, at ang pagtataguyod sa kagalingang panlahat…(Art II. Sec. 5)” Taliwas sa tungkuling ito ang magpanukala ng batas na magdudulot ng kapahamakan. Totoo mang hindi mapipigilan ng Estado ang paggamit ng kontraspetibo, hindi trabaho ng pamahalaan ang maglapit ng panganib sa taumbayan.
Nais naming tanungin ang bawat mambabatas: ang RH Bill na nga lang ba ang nalalabing solusyon kaya’t papayag na lamang kayong maipasa ito gayung lantad na may mga kapahamakang kumakapit dito? Pinaninindigan naming mga kabataan na ang RH Bill ay ang pagsugal ng aming kinabukasan. Ipinagmamakaawa namin na ibaling ninyo ang inyong pansin sa aming tunay na kailanganin: matatag na pamilya, proteksyon laban sa panganib ng mga nakaka-cancer na gamot, pagkakataon sa magandang edukasyon at trabahong marangal.
Ang RH Bill ay pagnakaw mula sa aming kinabukasan. Ang RH Bill ay pagsugal ng aming kapakanan. Ang RH Bill ay tutulan.
Alang sa Inang Bayan,
Ang kabataan ng Diyosesis ng Cubao

No comments:

Post a Comment